Lunes, Marso 19, 2012

Layunin:
a. Naipapaliwanag ang kahulugan ng balagtasan.
b. Naisasagawa ang pamamaraan sa wastong pakikipagbalgatasan.
c. Nabibigyang-halaga ang balagtasan bilang anyo ng panitikan.


Balagtasan
Ang balagtasan ay isang pagtatalo sa pamamagitan ng pagtutula. Inimbento ito noong panahon na ang Pilipinas ay nasa ilalim ng Amerika, base sa mga lumang tradisyon ng makatang pagtatalo gaya ng karagatan, huwego de prenda at duplo. Ang pinagmulan ng pangalan na balagtasan ay ang orihinal na apelyido niFrancisco Baltazar Balagtas, dahil ginawa ito para sa okasyon ng pagdiwang ng anibersaryo ng kanyang kaarawan.

Ang balagtasan ay hawig sa isang duplo. Ang mga kasali dito ay gumaganap na nasa isang korte na sumisiyasat sa kaso ng isang hari na nawala ang paboritong ibon o singsing. May gumaganap na fiscal o tagausig, isang akusado,at abogado. Ito ay magiging dibate o sinasabing tagisan ng katwiran sa panig ng taga-usig at tagapagtanggol at maaaring paiba-iba ang paksa. Bagamat ito ay lumalabas na dibate sa pamamaraang patula, layunin rin nito na magbigay aliw sa pamamagitan ng paghahalo ng katatawanan, talas ng isip, na may kasamang mga aktor sa isang dula. Ang balagtasan ay ginamit ng mga manunulat upang maipahiwatig ang kanilang palagay sa aspetong politika at mga napapanahong pangyayari at usapan.


Pamamaraan
Ang balagtasan ay karaniwang may mga paksa na pinag-uusapan ng tatlo katao. Ang mga kalahok ay inaasahang magaling sa pag-alala ng mga tulang mahahaba at pagbigkas nito ng may dating (con todo forma) sa publiko. Ang takbo ng tula ay magiging labanan ng opinyon ng bawat panig. May mga hurado na magsisiyasat kung sino sa kanila ang panalo o ang mas may makabuluhang pangangatwiran. 

Mga Taong Mahusay sa Pakikipagbalagtasan

Juan Crisostomo Soto




Francisco Balagtas Baltazar

 Jose Corazon de Jesus




 Pedro Bukaneg




Halimbawa ng Piyesa sa Balagtasan


DAPAT BA O HINDI DAPAT NA MANGIBANG-BANSA
ANG ISANG TAONG MAY PAMILYANG MAIIWAN?

--------------------------------------------------------------------------------
LAKANDIWA
Isang munting balagtasan itong aming inihanda
Hindi lamang upang kayo'y aliwin at bigyang-tuwa
Ang nais din naman nami'y makasama kayong sadya
Sa pagsagot nitong tanong na s'ya ngayong ating paksa.

Ang tanong ay: Halimbawang ikaw'y taong may pamilya
Marapat ba o di dapat na mangibang-bansa ka pa?
Sapat kayang kabayaran ang dollar na kinikita
Upang ikaw'y mapalayo sa pamilyang sinisinta?


DAPAT

Ako ngayo'y nakatayang ipagtanggol ang karapatan
Ang pagdayo'y nararapat sa hirap ng kabuhayan
Ang pagharap ko sa inyo'y isang malaking karangalan
Magandang gabi po sa inyong lahat, mahal kong mga kababayan!


LAKANDIWA

Narinig n'yo, kababayan? iyan po ay sample pa lang
Hindi po ba parang tigreng nakawala sa kulungan?
Ngayon naman, ang hahamon ang s'ya nating pagbibigyan
Si RAFAEL PULMANO po ay atin ding palakpakan!


HINDI DAPAT

Nilalanggam na pagbati ang sa inyo'y aking hatid
May mapulot nawa kayo sa matabil naming bibig.
Mag-abroad po ay okey lang, subalit kung sa pag-alis,
May pamilyang maiiwan, palagay ko'y hindi mat'wid!


LAKANDIWA

Hayan sila, kababayan, handa na pong magbanggaan
Pero hintay, ako muna'y pakikilala rin naman
BAYANI CAMBRONERO po, Lakandiwang papagitan
Bakit kayo nakanganga? Kayo ba ay walang kamay?

Maghaharap na po ngayon ang dalawang magtatalo
Tingnan natin kung sino ang tatanghaling kamp'yon dito
At kung sino ang uuwing bali-bali yaong buto...
Nagbabalik, palakpakan muli si Miss Espiritu!


DAPAT (Unang tindig)

Likas sa ating Pilipino ang magandang katangian
Di kailanman pagagapi, paaalipin sa kahirapan
Dahil dito'y nagagawang ipasya at isakatuparan
Ang sa bansa ay lumayo, sa ibang lupain manirahan.

Walang hindi naghahangad umunlad ang kabuhayan
Walang hindi nangangarap ang bukas ay paghandaan
Lalo't sa ibang lupain ginhawa ay makakamtan
Ninanais na paglayo ay di dapat na tutulan.

Sa ating bansa ay maraming mga walang hanapbuhay
Gawain ang hinahanap ngunit walang matagpuan
Kung tayo kaya'y di pinalad sa isla makakapaghanapbuhay
Hindi kaya tayo na rin sa kanila ay kabilang?


LAKANDIWA

Unang round lang tila ibig na kaagad patulugin
Ni Elvie ang kalaban n'yang kaaakyat pa lang sa ring
Si Rafael ay atin pong dito'y muling tatawagin
Sa palakpak na matunog siya'y ating salubungin!


HINDI DAPAT (Unang tindig)

Di ko yata matanggap na Pilipino'y abang-aba
Naranasan na ba ninyong sa sabungan ay magsimba?
Sa sinehan, karerahan, sa tayaan ng loterya
Siksikan ang mga taong nagtatapon lang ng pera!

Kung alipin, ano'ng sabi ng Pangino'ng Hesukristo?
"Katotohanan ang siyang magpapalaya sa iyo."
Ano nga ba ang tutoo? Talaga bang pobre tayo?
Sabihin mo'y likas lamang na di tayo makuntento!

Ngayon naman, pakinggan mo ang taghoy ng isang anak
Na magulang ay nag-abroad, hangad rin daw ay umunlad:
"Inay, Itay...Nasa'n kayo? NGAYON na po, hindi bukas,
Mas higit kong kailangan ang kalinga n'yo't pagliyag!"


LAKANDIWA

Kung ang unang nagpahayag ay tigre nga sa bakbakan
Ito namang ikalawa'y parang leong umuungal
Aawatin muna natin para muling bigyang-daan
Ang kaniyang katunggali, palakpakan natin, Bayan!


DAPAT (Ikalawang tindig)

Sa Banal na Aklat nasasaad mga buhay nating hiram
Ay dapat na pagyamanin sa abot ng kakayahan
Ang tao nga'y hindi lamang sa tinapay nabubuhay
Bagay itong espirituwal, ngunit paano ang katawan?

Busabos nga sa paningin ang nakikipanilbihan
Na dapat tanggapin ng loob pagkat isang katotohanan
Ito ba ay mangyayari kung hindi lang sa dahilan
Na tayo ay mahihirap ngunit dapat ding mabuhay?


Ako ngayon ang magtatanong kung di mo ipagdaramdam
Bakit ikaw'y nandirito at wala sa sariling bayan?
Kung sa iyo ang pagdayo ay isa ngang kapintasan,
Sa isla'y hindi ka dapat humanap ng kabuhayan!


LAKANDIWA

Tagaktak na ang pawis ko sa init na nanggagaling
Sa banggaan ng dalawang sadyang kapwa magagaling
Si Rafael Pulmano po'y atin muling pabigkasin
Malutong na palakpakan ang iganti naman natin!


HINDI DAPAT (Ikalawang tindig)

Kalaban ko'y palagi nang ginigiit na kat'wiran
Tayo anya'y naghihirap, pulubi sa ating bayan
Kung may sipag, may tiyaga, may tiwala sa Maykapal
Di kaylanman magugutom sa 'ting bansa ang sinuman!

Tama, dapat pagyamanin yaring buhay na kaloob
Ngunit hindi sa sukdulang kaylangan kang pabusabos
Ani Hesus, "Hanapin mo muna'ng kaharian ng D'yos
At ang ibang kaylangan mo ay Kaniyang idudulot."

Sa tanong mo: Oo, heto ako't wala do'n sa atin
Pero baka di mo alam, pamilya ko'y narito rin.
Mandayuha'y di masama at HINDI ko pinupuwing
Ang di tama'y mag-abroad ka kung mayroong maninimdim!


LAKANDIWA

Saglit akong papagitna upang kayo'y abisuhan
Ito na ang huling tindig ninyong mga maglalaban
Hahayaan ko na kayong magbaknatan, magkagatan
Pag oras na'y ako mismo ang da-dial sa 911!


DAPAT

Kalbo man ang ilaban sa iyo, ang pagdayo'y papanigan ko!

HINDI DAPAT

Dapat sa yo'y magpakulot kung ganyan ang kat'wiran mo!

DAPAT

Ang pagdayo ay dapat lang!

HINDI DAPAT

Kung wala kang maiiwan!

LAKANDIWA

Magsitigil muna kayo't iparada iyang bibig
Pareho na kayong high blood, kaya dapat manahimik
Kayo namang nanonood at mat'yagang nakikinig
Palakpakan muna natin ang dalawang matitinik!


Di lahat ng nag-aabroad ay tutoong walang-wala
Karamiha'y may trabahong maayos sa ating bansa
Merong lalong umiigi, meron ding napapasama
Para itong sugal, pati pamilya ay nakataya!

Sa tingin ko, wala namang di naghangad umasenso
Kung paano aasenso'y diyan tayo nagtatalo
Ang iba ay praktikal lang, iba nama'y may prinsipyo
Kung nasa'n daw ang 'yong yaman ay naro'n din ang puso mo.

Kayo nama'y malaki na, alam n'yo na'ng tama't mali
Batid n'yo nang dapat gawin ke-mag-abroad man o hindi
Ang hatol ko ngayo'y ito sa dalawang nagtunggali
Kayo'y tabla, patas, quits lang? Ang bayan ang s'yang nagwagi!



 Mga halimbawa ng Balagtasan






Sanggunian




Walang komento:

Mag-post ng isang Komento